Snooky Serna, nakakangiti na pagkatapos mamatay ng kanyang inang si Mila Ocampo

Snooky Serna

Snooky Serna

Mula nang mamatay ang dating Miss Press Photography of the Philippines na si Mila Ocampo noong ika-6 ng Enero, 2010 ay dinibdib na ito ng kanyang anak na si Snooky Serna.

Kahit na-cremate na si Mila ay iyak pa rin nang iyak, tangis pa rin nang tangis ang aktres.

Pero kailangang magpatuloy ang buhay.

Ito ang kanyang inamin sa premiere night ng pelikulang “Sagrada Familia” sa SM Megamall kahapon ng gabi.

“I miss her a lot,” pahayag ni Kookie na umaagos ang luha sa lumbay at pighati.

“But I have to face the world again,” sabi ni Serna.

Kaya nga tatlong araw bago mag-premiere night ang kanyang pelikula ay nagpakalat siya ng imbitasyon na siya ay dadalo sa premiere showing ng obra ni Joel Lamangan kasama ang kanyang talent manager na si Leo Dominguez.

***

          Pero kahit na nasa gitna si Snooky ng maraming tao—mga kaibigan at katrabaho—lumuluha siya pag naaalala at napapagusapan ang kanyang ina.

“Hindi ko makontrol ang sarili ko. Minsan, muntik na akong matumba sa pag-iyak ko. Hindi ko talaga matanggap na wala na si Mommy,” wika ng mahusay na aktres.

Gayunman, nilaksan ni Kookie ang kanyang loob at nakiisa sa pagdiriwang ng kanyang premiere showing.

Bawat bati sa kanya ng pakikiramay ay luha ang kanyang iginaganti.

Pati ang mga peryodistang pampelikula na sina Dennis Adobas, Liza Endaya, Benjie Felipe, Art Tapalla at iba pa ay iniiyakan ni Kookie sa dalamhati.

***

          Mabuti na lang at maraming pumuri sa kanya sa pagganap bilang isang OFW nurse na nagtrabaho sa Italy pero walang kamalay-malay na tinatakot at binuntis na ng kanyang asawang sekyu ang kanilang kaisa-isang anak.

Makabagbag-damdamin ang pag-arte ni Kookie sa pelikulang sinulat ni Racquel Villavicencio.

Mahusay rin ang kanyang asawang si Emilio Garcia at lalo na si Lovi Poe na gumaganap na kanilang anak.

Maraming pumuri kay Serna pagkatapos at screening kaya naman napalitan ng galak ang kanyang hapis.

Ayon kay Kookie, ang intensidad ng damdamin ng isang ina na kanyang ginampanan ay kasingtindi rin ng kanyang emosyon sa tunay na buhay gayundin ng marubdob na sentimiyento ng kanyang inang si Mila.

Kaya naman lalo pang nag-aalburoto ang damdamin ni Kookie pero ngayon ay pigil na pigil na.

***

          Sinabi ng aktres na inihahandog niya ang kanyang pelikula sa kanyang ina.

Kung nabubuhay lang anya si Tita Mila ay ipagmamalaki siya nito sa kanyang pagbibigay-buhay sa karakter ng inang nagpakasakit pero niloko ng kanyang sariling asawa.

Nakakangiti na sa mga sandaling ito ni Kookie pagkatapos ng humigit-kumulang sa isang linggong pagkaka-cremate sa kanyang ina.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: